Saan ka dadalhin ng panlasa mo?
Posted bySa isang papaunlad pa lamang na bansa, halos lahat tayo ay nangangarap na umunlad, umaangat, makilala sa buong mundo sa positibong paraan. Nananawa ka na ba sa mga kabi-kabilang ulat sa pangu-nguna ng bansa listahan ng mga pinaka-corrupt? Karamihan sa atin ay posibleng "OO" ang sagot, at may ilan naman na "walang pakialam," pano, kasi... yung k'wan eh... yung ano... yung ganun... oo... yung bulsa lang naman nila ang tumataba, kaya silang deadma o patay malisya eh daretso sa mga kanilang IKINABUBUHAY na gawain.
Tutal malapit na ang halalan, dapat nga'y mga pulitiko ay manawagan. Marami sa mga tumatakbong presidentiables ay halos pare-pareho ang plataporma, mga pangako na minsa'y narinig mo na noon, ibinabalik ulit ngayon at kung sila'y mananalo mararamdaman mo ba kahit paambon-ambon? Halos lahat sila gustong tapusin ang kahirapan at mapahi ang imahe ng korapsyon sa ating bansa, pero gaano ba tayo kasigurado na matutupad ang mga pangakong ito?
Sa panahon ng halalan, nariyan ang campaign period, mga paraphernalia ng mga kandidato, mga artista. Hindi mo ba napansin na parang tinalo pa nila ang pamamahagi ng relief goods? Pinagkakaguluhan ng mga tao ang mga: Baller ID, T-Shirt, style pamaypay na karton (of course colored with picture), meron pang iba, payong, sumbrero atbp.
Siguro kung ako ang tatanungin, isa na sigurong maling konsepto ng ibobotong kandidato eh ang pagbase sa artistang pinaka-paburito mo. Hindi naman sa minamaliit ko ang mga artistang nag-eendorso, wala akong sinasabing ganun. Ito'y opinyon lang, lahat naman tayo ay may kalayaan. Dapat ba tayong masilaw sa popularidad ng mga artista para matakpan ang madilim na imahe nga mga pulitikong ating pipiliin? ng walang pagsusuri sa napili? ng hindi pinag-isipan? Hindi ba't parang tinutukan mo na rin ng baril ang anak mo at ang mga magiging anak pa nito kapag nagkamali ng desisyon? Parang pinatay mo na rin ang sarili mo dahil nagpadala ka sa sinasabi ng iba...
Kapani-paniwala ba ang mga impormasyong ito? Gano tayo kasigurado? Ano ang mga methodology ng ginamit? Lahat ba ng sektor ng lipunan ay nirerepresenta dito?
Taumbayan ang maghuhukom sa mga pulitiko kung sila ang karapat-dapat na mamuno para sa kanila. Pero hindi maiiwasan na sa panahon ng pagpili, may mga nasisilaw sa kinang ng manasanas, maganda ang balat, buhay ang kulay pero ang hindi alam ng lahat, may uod na sa kaibuturan ng katawan.
Sa darating na halalan sana maging mapag-matiyag tayo. Basahin muna ang plataporma ng mamumuno, hindi magpadala sa mga kasama nitong bituin. Ikaw sa sarili mo ay binuo ng Diyos ng kumpleto, may kapangyarihan kang mag-isip at may kapanghiyarihang magdesisyon. Isasalang-alang mo pa ba ang kinabukasan mo sa iba? Parang sa isang commercial lang yan eh "Oh! Pili na!"
Ang iba, kinonsidera na ang halalan ay parang pagkain, kung hindi patok sa panlasa mo, pwede kang umorder ng iba, parang, "marasapa ba yun &*(&($... na may @#$()#($& at *(&@ ()*#$@)" ('wag na lang, baka may ma-offend).
Pero kapag nanalo na ang putahe mo at hindi mo nagustuhan sa kalagitnaan o yung tipong naumay ka na sa lasa, tapos kang bata ka! No return, no exchange policy po ito, hindi namin tinatangkilik ang "the customer is always right", kasi po, bingiyan na namin kayo ng kalayaang pumili eh - COMELEC.
Nagtanung-tanong ako sa mga kakilala at kaibigan kung ano ang dapat pagbatayan sa isang kandidato at e2 ang nakuha ko sa kanila (paunawa: ito ay mga opinyon lamang):
Kredebilidad. Una sa aking listahan ng katangian ng isang mamumuno. Ganito rin ba ang presidente mo? (Chiz) Ang iba sa mga kandidato, siraan ng siraan, palabasan ng baho, gumagastos para lamang maglabas ng black propaganda. Ilang txt messages din ang natanggap ko laban sa isang kandidato. Hindi ko lang lubos maisip na hindi ba nila kayang lumaban ng patas? Kung sa bagay, sa U.S. presidente inaassasinate d2 sa Pilipinas, kahit barangay captain ka, itutumba ka.
Iba ang election related violence dito sa atin sa Pilipinas. Noon lamang nakaraan, kung natatandaan mo yung Maguindanao Massacre, halos 60 na katao ang patay, kandidato, supporter, mediamen at ultimo na walang kamalay-malay ay nadamay.
Maaaring isama ang track record, mga naipasang batas kung siya man ay nagsilbing congressman o senador at katatayuang moral. Sino ba naman na gusto ay maging dictador ang mamumuno sa kanya? Wala.
Plataporma. Alam kong sawang-sawa ka ng makita at marinig ang salitang ito, bakit? Dahil karamihan sa mga sinasabi nila ay hangin lamang, walang sustansya, hindi nangyayari at minsa'y napakaimposible pang paniwalaan. Pero ito ang kanilang basehan at ganun na rin tayo para malaman kung ano ba talaga ang kabuluhang matatamo kung sila ang ating iboboto.
Yung iba kasi sa atin eh, walang sapat na kaalaman kung ano ba talaga ang hangarin ng kandidatong napili. Basta bugso ng damdamin o napisil lang nila, 'yun na iyon at hindi na magbabago. Lumang pulitika, lumang sistema, crab mentality ng mga pinoy ang ganitong gawi.
Ano ba ang sistema ng gobyernong kabibilangan natin kung siya ang mananalo? Sino ba ang uunlad mga druglord pa rin ba o ang mga nagbubungkal ng lupa? Kung uunahin ba niya ang mga maliliit na tao o agad aasikasuhin ang mga ipinangako sa mga nag-pondo na kampanya?
Katapatan sa Diyos at sa Bayan. Isa rin dapat isaalang-alang eh kung ano at sino ang kinikilalang Diyos ng mga pulitikong ito, kung mga Dyosa ng kagandahan, droga, armas o pera. Hindi naman talaga tayo lubusang nakaksigurado na malinis ang mga pulitikong 'yan, hindi rin tayo nakasisiguro sa kanilang mga hanganrin kung pansarili o para sa bayan. Hindi natin alam na unti-unti na tayong inaalipin ng mga pambalat kayo nyang mga gawain.
Kung pipili ng kandidato, ang pagiging tapat ay pagiging transparent, malinis hanggang sa kaluluwa, malinis ang kunsensya. Ipinapakita niya ang lahat ng transaksyon sa publiko, humihingi ng payo sa publiko kung dapat o hindi dapat tangkilikin ang isang proyekto.
Pananaw sa pambansang kapayapaan. Lahat naman tayo nanga-ngarap na mabuhay sa isang bansang payapa at nagkakaisa. Sa tingin mo ba ang presidente napili mo ay may sapat nakakayahan para puksain at mapanatili ang kaguluhan sa bansa? May kakayanan ba siyang pasukuin ang mga guston magpabagsak sa gobyerno ng inang bayan? May kakayahan ba siyang makipag-ayos sa mga kababayan natin sa katimugang bahagi ng bansa? Matutugunan ba niya ang kakulangan sa mga kagamitan, benepisyo at iba pang pangangailangan ng militar gayun na rin ang kapulisan para mapanatili ang kaayusan at katahimikan? Alam kong kulang pa ang mga katanungan pero kung masasagutan 'yan ng pangulo mo, papanig ako sa'yo.
Pananaw sa Konstitusyon ng Pilipinas. Isa pang mabigat na usapin sa mga nakaraang taon ay ang konstitusyon. Ano ba ang pananaw ng presidente mo? Amyendahan ba ito? Baguhin ang sistema ang gobyerno? o illuklok ulit si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo?
Marami na ang nakakabatid sa atin na butas-butas na ang konstitusyon at kailangan ng repasuhin, ngunit ito lamang ba ang sosluyon at wala ng ibang alternatibo? Maaaring meron kung palalakasin ng isang pang batas ang isang existing ng batas.
Ano ba ang gustong isulong ng presidente mo kung sakaling bibigyan s'ya ng pagkakataon na magdesisyon para sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Mahina na ang pangil ng batas sa mga lumalabag dito, sa iba pa ay walang bisa kaya nalulusutan ang mga kaso. Ikaw na lang ang bahalang magbahagi ng iyong opinyon sa usaping ito dahil masyadong malawak.
Ang mentalidad ng Pilipino sa pag-pili ng kandidato sa tanong na: "Sino ang iboboto mo?"
1. Iboboto ko si Inggo dahil inindorso siya ni artista.
2. Iboboto ko si Juan, dahil nagbibigay siya ng tulong sa amin
3. Iboboto ko si Pedro, dahil kamag-anak ko/kumpare ko
4. Iboboto ko ulit Jose, kasi dati ng nanalo
5. Iboboto ko si Bahala Na
Pag-usapan natin ang mga ito. Sa unang item, iboboto mo lang ang isang kandidato dail sa popular ang nag-endorso sa kanya. Hindi ka ba nagtanong kung magkano ang ibinayad sa artista o anung kapalit sa artista kung mananalo ang manok n'ya sa karera? Isaalang-alang natin ang mga tanong sa likod ng mga palabas na ito. Tandaan natin na artista ang mga ito, ang artista ay magaling umarte, ang artista ay magaling magpalit ng mukha kapag kaharap na ang tao...
Sa pangalawang item, parang considerable na rin na vote buying pero in a subtle way. Kung sa bagay, sa bansang lubog sa utang at damang-dama ang kahirapan, hindi ka pa ba kakagat sa kakarampot na tulong mula sa mga pulitiko? Pero ang tanong ng mga nakararami, saan kukunin ang pambawi sa mga ginastos para sa kanyang kandidatura? Sa kaban ba ng bayan at habang nakapwesto'y tuloy ang sweldo pero walang natapos ni isang proyekto? Ang hirap amg-isplika, maraming espekulasyon, bahala na lang kayong mag-isip.
Sa pangatlong item, hindi naman sa nakikialam kung gaano kalaki ang angkan ninyo, ang sagot dapat diyan eh iboboto ko si Pedro dahil alam kong may magagawa siya sa bayan at sa tao. Hindi ba't mas magandang pakinggan? May ilan kasi sa ating mga Pilipino, lalu na sa local election, eh dinadaan sa palakihan ng angkan, proven fact na ito sa nag-daang mga taon, and dinala nilang pangarera, nung makarating sa finish line wala ring nagawa. Syempre, kamag-anak mo, utang na loob sistema na naman tayo, may magagawa ba ang kamag-anak mo? O ipinapahiya mo lang ang sarili mong angkan? Maging considerable tayo sa pag-pili, hindi lang naman sa mga kamag-anak mo ang may magagawa, look outside the circle.
Sa pang-apat na item, marami pa rin sa atin ang tumatangkilik sa ganitong proseso ng pag-pili. Yung mga datihan, sila na naman ang nakabalandra sa halalan. Ang tanong, nasubukan mo na, kung walang nagawa nung nakaupo pa, bakit siya ulit ang pipiliin mo? Hindi ba't mas magandang nanalo siya noon, nasubukan ko noon, maganda ang mga nagawa sa bayan, kaya kung siya ulit, iboboto ko s'ya. Kasi satisfied ka sa nagawa niya at hindi lang sa kanyang popularidad.
Sa panglimang item, eto, marami rin sa atin ang ganitong pumili, parang yung tipong up to the last minute saka pa lang magdedecide. I mean, hindi ba dapat na mas magandang may shor-list ka na para bago maghalalan eh hindi ka na hirap mag-isip kung sino sa short-list mo ang pipiliin mo.
Meron din naman iba sa atin na may sakit mag-isip, hindi ko sinabing sakit sa pag-iisip, may sakit mag-isip, ano yun? KATAMARAN. Yung iba tamad o ayaw ng mag-isip, yung tipong, bahala kayo sa buhay ninyo, 'wag n'yo na lang ako pakilaman, pare-pareho lang naman yang mga pulitikong yan eh.
Pero lahat ng ito isa lang ang babagsakan kung hindi isinaalang-alang ang kinabukasan, kapag hirap ay atin ng nararanasan, sa gobyerno lahat ang patak ng sisi para sa sinapit na kapalaran.
Lahat ng dinaranas na hirap, kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, pamasahe at mga pinaka-pangunahin na pangangailangan ng Pinoy, except sa load extended expiry (Gusto ko, Happy ka!)...
Tapos kapag hindi na kayang tiisin ang lahat ng hirap, conspiracy na, uusbong ang mga sabwatan, magsisimula na namang ang pambansang kaguluhan. Coup-de-etat, people power movement na naman, dyan kasi halos tayo nakilala, sa himagsikan at pag-aalsa.
SANA ngayong halalan, maging mapanuri tayo sa ating pipiliin na mamumuno sa atin bansa. Pag-isipang mabuti, iisang-tabi ang kanilang mga kasiraan at black propaganda na laban sa kanila, suriin ang kanilang mga plataporma at nagawa sa bansa, at 'wag magpadala sa endorso ng mga artista.
Tandaan mo na nasa kamay mo ang kinabukasan ng bansanag ito.
Maraming salamat nga pala sa kaibigan kong sina navycaria, jawo, jun-jun atbp. na hindi nabanggit para sa opinyon at dag-dag na impormasyon.



0 comments:
Post a Comment