Sa dapit-hapon
Posted by
Malungkot man pagmasdan, pero maganda pa ring tingnan…
Isang hapon kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim, parang pag-lalaban ng tama at mali.
Masaya tayo tuwing gigising sa umaga, alam natin ang mga gagawin natin, ang mga aasahan natin at pinaghahandaan ang mga bagay na wala sa plano.
Gigising tayo minsan ng nakangiti, minsa’y kunot ang noo, pero kapag nariyan na ang almusal, nakangiti na ulit tayo.
Mahilig talaga tayong mga Pinoy sa pagkain. Hindi kumpleto ang araw natin kung hindi tayo iinum kahit isang tasa ng kape.
Pagkatapos natin kumain, may mga pagkakataon pang tayo ay nagmamadali, mahuhuli sa klase, yung iba sa atin ayaw pang bumangon dahil sumisiksik pa sa kumot ang lamig na dulot ng umaga at ng electric fan, yung iba sa atin tulala habang nakain, animo’y na-barang.
Pero isang lugar pa rin ang pupuntahan pagkatapos kumain, ang banyo para maligo. Para lang tayong nagtatanggal ng mga masasamang kahapon natin kapag naliligo tayo. Ang mga dumi ng nakaraan, iniiwanan natin sa banyo para maging bagong tao (for short mabango).
Pagkatapos natin hugasan ang ating mga sarili gamit ang sabon at tubig ng pagninilay at mahabang pag-iisip sa banyo, lalabas na tayo dahil tayo ay mabango na, pupunta naman tayo sa kwarto, doon magbibihis tayo, yung tipong iisipin natin ang magiging personalidad natin para sa araw na’yun.
Mahabang proseso pa rin, kakain ng dalawampung minuto sa relo bago makapagdesisyon, at pagkatapos nun, lalabas tayo ng kwarto, syempre, hindi makakalimutan ang pabango. Ang pabangong umaakit sa pandamdam ng ibang tao, ang magbibigay pansin upang mapansin tayo ng iba. Ang pabango, mabisang gayuma at pambalat-kayo.
Bihis na tayo, oras na para umalis ng bahay at tutungo sa ating mga kanya-kanyang paroroonan. Sasakay na tayo sa agos ng buhay sa araw na’yon.
Dumedepende tayo sa oras ng byahe at sa tulin ng pagpapatakbo ng tsuper, kaya minsan ang iba sa atin naiinip, yung iba namumutla sa bilis, yung iba, walang pakiaalam sa mundo kahit magunaw pa ito.
Pagkatapos ng biyahe, nasa lugar na tayo na ating gusting-gustong puntahan noong nasa bahay pa tayo. Ang iba nagpapasalamat sa Diyos dahil nakarating ng buo sa paroroonan, yung iba kinakalikot ang bag para hanapin ang ID nila at yung iba, nakatambay sa tapat ng gusaling papasukan, naninigarilyo.
Kapag nasa loob na tayo, umpisa na ng stressors, gagawa ka na report ngayon para sa kumpanya mo dahil hindi mo ito nagawa kahapon, gagawa ka ng assignments mo dahil nakalimutan mo ito kagabi, gagawa ka ng alibi para ngayon dahil absent ka kahapon. Ganyan tayong mga tao halos tuwing umaga, ginagawan natin ng paraan ang mga bagay na alam nating mali pero itinuloy pa rin kung kaya’t nagkakaproblema tayo kinabukasan.
Pagkatapos ng mahabang pakikipagpambuno sa mga Gawain, break time, ayos! Yung iba nasa cafeteria, nakikipagkwentuhan sa mga katrabaho, nakikipagkwentuhan sa mga kaklase, yung iba nasa labas, yosi break, yung iba umiinom ng softdrinks sa oras ng coffee break.
Pagkatapos ng mga kwentuhan, asaran, tatlong stick ng sigailyo at isang litrong softdrinks sa coffee break, balik na naman sa loob para magtrabaho, para mag-aral.
Iba na ang scenario at ambience ng lugar, may saya ang ngiti na ulit sa mata ang mga tao, panibagong pag-subok na naman, panibagong trabaho at panibagong kargada na gagawin upang matapos ngayon.
Lunch Break. Alas-dose na ng tanghali, kanya-kanya ng sibat ang mga tao, yung iba sa cafeteria kakain, yung iba sa labas sa may turu-turo at may kasama pang videoke, yung iba fasting (yung tipong hindi alam kung ayuno ang ginagawa o ayaw-mo) at yung iba, uuwi sa kani-kanilang bahay para doon kumain.
Pagkatapos ng tanghalian, ganun pa rin ang scenario pagbalik sa opisina, sa eskwelahan, may mga aktibidades na kaylangang gawin, may mga trabahong dapat tapusin hanggang sa sumapit ulit ang break time.
Tapos na ang break time, panibagong problema, nasira ang computer na ginagamit mo, nawala ang wallet mo at andun ang pamasahe mo pauwi, nasira ang cellphone mo dahil nabagsak, nakipagsuntukan ka sa mga schoolmates mo dahil masyado silang maangas para sa’yo.
Nilalabanan mo na ang agos, dahilan para magkaron ka ng problema pero nasosolusyunan din naman kaagad ang mga ito kung iisiping mabuti ang mga tamang paraan para makumpuni ang mga sirang inabot mo.
Ako? Yung larawan na nasa taas, ako yun, tama na sigurong iwanan ko ang nanaranasan ko ngayon, tama na siguro ang mga iisang-tabi ko ang mga nangyari dahil wala akong matatapos ngayon.
Malungkot ang dapit-hapon kung iyong pagmamasdan, para sa mga takot kumalas sa kasalukuyan, ayaw nilang sumapit sa ganito ang kanilang araw, ang mga mahihina na ayaw umamin ng kanilang kahinaan, ang mga reklamador na gusto pa ng time-extension kahit hindi ito basketball game.
Ang dapit-hapon ay isang hudyat na malapit ng magdilim, na dapat ka ng umuwi sa pamilya mo, na dapat ka ng umuwi sa bahay dahil may mga naghihintay sa’yo. Ang dapit-hapon ay isang hudyat rin ng isang magdamag na kalungkutan. At ang dapit-hapon para sa akin ay isang katapusan ng isang kabanata, na nakaya kong tumagal ng isang buong araw na may sigaw na “Tama na! Sobra na! Tigilan mo na!” Kaylangan ng umuwi, kaylangan ka na sa bahay, kaylangan mo ng tanggapin ang katotohanan na tapos na ang araw, naubos na ang panahon mo ngayon at wala ka nang bukas, kaylangan mo naman magpahinga.
Nung kinukuha ko ang litratong ito, malungkot ako, pero nung pinagmasdan ko ang kinalabasan ang obra, napangiti na lang ako habang nangingilid ang mga luha sa mata ko, sinabi ko na lang “Binabati kita! Nakatagal ka sa isang buong araw na wala ang kasama.”
Hindi sa lahat ng pagkakataon ang dapit-hapon ay malunkot, senyales din pala ito na may magandang umagang maghihintay sa’yo bukas.
“Sa wakas, natapos din kahit alam kong ayaw ko pa, pero wala naman akong magagawa, hindi ko naman ito hawak, kaya wala akong karapatang mag-reklamo. Hahaha! Malaki ang ginawa sa akin ng araw na ito, ang dapit-hapon na nakita ko ngayon ay isang senyales na dapat ko itong iwan sa kahapon.”
Hindi mo man nakaya ngayon pero bukas, babawi ako…
Nagawa ko, nakaya ko, natapos ko ang napakahabang blog-post na wala naman atang sense ang laman.

0 comments:
Post a Comment