Eskenita

Posted by Leo Matienzo

Eskenita

Takot... Awa... Panghihina...

Mga emosyon na ayaw nating maranasan, ngunit minsa'y nararanasan na atin, ayaw lang nating aminin.

Takot... Takot kang tanggapin ang mga nangyayari sa'yo, o din naman kaya'y umiiwas ka sa tunay na nangyayari sa totoong mundo. Kalimitan, ang mga taong ganito ay may mga naging mapait na karanasan na sinapit sa kanilang mga kahapon. Inilalayo hangga't maaari ang sarili sa mga bagay na makapag-papaalala sa kanilang sinapit, inilalayo ang sarili sa mga grupo ng tao, sa mga tagpo, sa katotohanan. Isang maganda na sigurong halimbawa ang mga taong may pagkaka-utang, takot silang humarap sa ibang tao dahil pinagtsitsismisan sila, o di naman kaya'y ayaw lumabas ng bahay dahil nariyan ang mga maniningil ng utang.

Ibang scenario ay hindi sila makaalis sa mundong dati ay masaya sila, may kulay ang buhay, yung tipong hindi na matatapos ang lahat at sa isang kisap mata lang ay nawala ang lahat.

Takot din na maituturing kung tayo ay nagpapakabusy sa trabaho, gusto natin na lagi tayong may ginagawa, gusto natin na tayo ay abala sa mga bagay-bagay kahit pa hindi tayo kamalak-malak sa mga trabahong hindi na natin dapat pasukan. Pinipilit nating makalimot, yan isa sa mga maling konsepto, IPINIPILIT natin ang mga bagay-bagay, hindi ko rin naman sinasabi sa'yo na hayaan mo na lang ito, maaari rin, hayaan mo ito at lamunin ka ng buo. Mahirap lumugar, alam ko, naranasan ko na yan eh. Bakit hindi natin gawing habang ipinipilit mong makalimot eh hinahayaan mo ang sarili mo na gawin ang mga dapat gawin, mas magulo pa yata, teka... Ilagay na lang natin sa ganito, pilitin mo na lang ilagay ang sarili mo sa tama at hayaan mo ang sarili mo na gawin ang mga bagay na ito, di ba't mas magandang pakinggan.

Awa… Awa para sa sarili o pangsariling awa. Totoo, kapag tayo ay nasasaktan, pangsariling kapakanan lamang ang iniintindi natin, ngunit hindi alintana sa ating kokote kung ano naman ang nangyayari sa kabilang ibayo kung may gyera na ba, nag-iinuman na naman sina Igno o anung lagay ng kalabaw ni mang Tasyo. Wala tayong pakialam sa ating paligid, wala tayong ibang boses na pinakikinggan kundi ang ating mga sarili, wala tayo bukam-bibig kundi ang ating mga sinapit. Awa… Di ka nananawa?

Isang maling konsepto ng mga nasasaktang tao ay ang sobrang pagka-awa sa sarili sa baligtad na paraan. Hindi masama kung mahabag ka sa sariling sinapit, ngunit, paunawa ko lamang sa’yo, ang sobra ang masama at ang kulang ay masama rin. Kung masyado kang nahahabag sa sinapit mo at itinutuloy mo pa rin ang mga maling pamamaraan ang pag-alis sa mundong dating mong kinabilangan, hindi ka ba naaawa sa sarili mo dahil hindi mo na pinakawalan ang utak mo sa mga nangyari sa’yo? (anu daw?!) Hindi pa ba sapat na mag-dusa ka ng ilang linggo? Hindi pa ba sapat ang sobra-sobrang mental torture na inaabot mo dahil sa kaiisip mo sa nangyari sa’yo at wala ka rin naman pa lang patutunguhan? Hindi pa ba sapat ang isang kilong bigas na iniuuwi mo sa 10 miyembro ng pamilya mo? (Talaga bang kasama ito) Erase and rephrase… Hindi pa ba sapat ang isang batsang luha ang inilabas ng mga mata mo para lang sa kanya? Kailan mo ba titigilan ang paglaban ng paurong? Hanggang kalian mo itutuloy ang cruzada at nobena ng buhay mong umaalagwang parang saranggola?

Kung awa pa rin ang tawag mo dyan, hindi ka ba naaawa sa pang-ookray mo sa mga taong “BADUY” pumorma, dyata’t sila ay may kasabihang “Hindi mo kami maaaring tawaging baduy dahil hindi tayo pareho ng fashion statement at panlasa sa pananamit.” Sino pa ang lalabas na kaawa-awa, hindi ba’t ikaw na lahat na lang ng bagay ay pinansin ngunit ang sarili ay hindi na naistima.

Panghihina… Kahinaan, ang ikatlo sa listahan, ayaw natin tawagin tayong mahina. Parang hahalo ang balat sa tinalupan dahil insult ito para sa atin. Kung ating pagninilayang mabuti, walang masama kung tatanggapin natin ang ganitong estado ng ating pagkatao, ngunit ibang maghurumentado an gating mga EGO, oo EGO o pride ang tawag ng iba.

Ayaw nating matatapakan ang pinakamamahal nating EGO dahil namimistulang maliliit tayo. Iniisip natin ang sasabihin ng iba para sa ating kabuuan. Gusto mo na ikaw na lang ang sikat, ikaw na lang ang nakakaangat, ikaw na ang may mas higit na may alam, eg di ikaw na! Kaya nagkakaroon ng mga mayayabang sa mundo dahil ayaw nilang masasabihang mahina sila, pangalawa, ayaw nilang masasapawan sila, pangatlo ayaw nilang ipakita kung sino talaga sila. Ganyang silang mga EGOCENTRIC, nagtatago sa mga maskarang akala mo eh hindi mawawala ang kinang ng mga glitters sa taka. Kaya nga may kasabihang “Come out! Come out! Wherever you are!” Paano ka naman lalabas kung ang mga naghahanp sa’yo ay mga taong ginawan mo ng atraso… hmmm…

Alam kong mahirap tanggapin sa parte mo ang salitang MAHINA, pero kailangan mo munang aminin sa sarili mo na mahina ka para masabi mo rin na malakas ka, matatag ka at hindi ka pulpol. Hindi tayo uusad, madadala at matututo kung hindi natin mararanasan ang pagkalukmok sa putikan. Hindi ka magmamature mag-isip dahil hindi inaamin sa sarili mo kung ano ang kalagayan mo, hindi mo pakikinggan ang sinasabi ng iba dahil sa kayabangan mo na ikaw na lang ang bida, ikaw na lang ang sikat at ikaw na lang at ka-love team mo ang natitirang earthling sa buong universe. Maturity considered also as strength. Independence considered also as strength. Faith considered also as strength.

“Minsan kailangan natin ng lakas ng loob para masabi natin sa ating mga sarili na mahina tayo”- kay Bob Ong ko siguro nakuha ang quotation na ito, tama, totoo. Malas mo lang kung hindi mo pa nararanasan ang mga bagay na ito maliban na lang kung toddler ka pa rin at hindi pa gasinong fully functional ang cognition mo para sa mga mature na bagay-bagay sa mundong ibabaw. Malas mo rin kung ang cognitive process ng utak mo ay pang-toddler pa rin kahit na ikaw ay nasa adolescence period na. Ang malas mo nga.



0 comments:

Post a Comment